Excited na ibinalita sa akin sa ng pinsan ko na showing na sa mga sinehan ang MI:3 ni Tom Cruise. Tuwang-tuwa naman akong nagreply sa kanya na sa wakas...natanggal ko na ang in-grown ko sa paa.
Aaminin kong hindi ako mahilig sa mga pelikulang Hollywood. Hindi ako naaakit ng mga international blockbuster film na ibinabalita ang gross revenue sa E! channel, Entertainment Today at e-Buzz. Iilan lang ang kilala kong Hollywood stars, at kapag nagkwento ang kausap ko tungkol sa kapapanood lang niyang pelikula, at kung gaano kagaling o kapangit ang pagganap ng artista, malamang na hindi ako makarelate. Mabibilang talaga sa butas ng ilong ang mga kilala kong sikat na celebrity. Iyong iba face recognition lang talaga, at hindi ko na pinag-aaksayahan ng panahon ang pagtanda sa kanilang mga pangalan.
***
Hindi ko pinapahayag na banned sa aking senses ang mga Hollywood film. Sa katunayan, pinakamarami naman talagang gawang American studios ang mga napanood ko sa sinehan, Betamax, VHS, tv re-runs, VCD at DVDs (original at pirated). Kilala ko rin naman si Tom Cruise, George Clooney, Demi Moore, Mel Gibson, Ben Stiller, Daniel Radcliffe at Dakota Fanning. Isama na rin si Billy Joe Crawford, ang dating Filipino child star ng That's Entertainment na inakala kong anak ni Kuya Germs na kamakailan naman ay isa sa mga cast ng pelikulang Dominion. Pero kung tutuusin, pinakamaraming Hollywood studios naman talaga ang nagpoprodyus ng pelikula taun-taon, kung kaya't marami ring naiieksport na pelikula sa ating bansa. At dahil may supply ng mga pelikulang tulad ng MI:3 tiyak na may demand. Idagdag pa sa paglobo ng bilang ng demand na iyan ang mapangahas na promosyon ng mga pelikula kasabay ng ganid na kagustuhan ng mga local distributors na kumita mula sa mga pelikulang pinrodyus ng mga Hollywood studios. Hindi rin dapat kalimutang mabanggit ang colonial mentality ng mga Pinoy pagdating sa mga artistang mula sa Amerika. Dolyar ang pinag-uusapan sa ganitong kalakaran, at habang may tiket sa box-office tiyak itong dudumugin ng mga atat na fans ng mga Caucassians. Sa madaling salita, hindi rin dapat sisihin ang madla kung tangkilikin ang mga gawang-Hollywood. Sapagkat ang ating bansa ay isang malawak na palengke ng mga pirated at orihinal na pelikulang labis na nakakaapekto sa pananaw at kultura ng bawat Pilipinong handang isugal ang mahigit isandaang-piso sa panonood ng pelikula sa sinehan. (Dee-bee-dee boss, singkwenta lang!)
***
Sa Russia halimbawa, ginamit na propaganda ang pagpapalabas ng mga black-and-white silent films upang maipakita sa mga Ruso ang kagandahan ng sistemang komunismo. Nagprodyus rin ng kanyang sariling pelikula ang dating Pangulong Marcos na sumasalamin sa kanyang sariling buhay at karanasan. Ipinalabas ang pelikula ilang linggo bago ang eleksyon na nagpawagi rin sa kanya. Sa pamamagitan rin ng mga liberal na direktor tulad nina Lino Brocka at Ishmael Bernal nagkaroon ng kamulatan ang mga Pilipino ukol sa kalagayang-panlipunan sa ilalim ng diktadurang Marcos.
Matapos ang pag-atake sa New York ng mga hinihinalang terorista noong Setyembre 2001, bigla na lamang nagsulputan ang sari-saring war films na prinodyus ng Hollywood. Halos linggu-linggo noon kung magpalabas ang mga sinehan ng mga pelikulang may temang digmaan, kung saan predictable ang ending - nagwawagi ang mga tropang Amerikano laban sa mga "masasamang kalaban". Layunin nitong magpasiklab ng diwang patriotismo hindi lamang sa mga Amerikano kundi maging sa mga tinatawag na Allied countries (kabilang ang Pilipinas). Malaki ang naging epekto ng ganitong propaganda ng Hollywood. Malaking bilang ng mga Amerikano ang nagpahayag ng pagsuporta sa giyera, kaya naman nagbigay ng go-signal ang Senado at Pangulo ng Amerika na magsagawa ng pag-atake sa Taliban at Iraq. Na sa huli, ay nagbunga lamang ng 'di matatawarang pagkawasak ng buhay at pag-asa ng milyong katao.
***
Malaki ang epekto ng mga gumagalaw na imahe sa loob ng madilim na sinehan. Bukod sa mga iba pang "milagro" sa loob nito, may hindi nakikitang epekto rin ang mga pelikula sa mga fans na nanonood.
Catharsis ang paliwanag ng propesor ko dito. Pansamantalang nagkakaroon ng hindi pangkaraniwang ilusyon ang nanonood dahil sa laki ng mga tauhang napapanood. "Larger-than-life" ang drama ng audience. Habang tahimik silang nakaupo sa mga sinehan, nakaantabay lamang sila sa mga eksenang nagaganap. Bawal ang maingay. Bawal tumayo ng tumayo. Bawal magreklamo. Basta manood ka lang. Sit back and relax. Habang busy ang katabi sa pananansing o sadyang pakikipagholding hands, ang audience matamang nakatitig sa liwanag na ibinabato ng projector. Passive resistance.
Kaiba ito sa panonood ng mga eksena sa Gulong ng Palad sa telebisyon. Pwedeng dumaldal habang nilulublob ni Cherry Gil si Kristine Hermosa sa isang baso ng iced tea. Pwedeng magkuro-kuro habang commercial at nageendorse ng medyas si Manny Pacquiao. May interval sa pagitan ng aktwal na panonood at pag-iisip kung lohikal o hindi ang mga eksena. Sa pelikula, walang commercial break. Pwera na lamang kung may call of nature kang naramdaman. (Sa susunod, magbaon ng garapon sa loob ng sinehan)
Sa panonood ng pelikula, tiyak na makapagtanim ng notion sa isip ng audience ang "larger-than-life" image ni Vilma Santos bilang isang "mestisa, ulirang ina, mabuting asawa, homemaker, inaapi atbp." Instant Vilmanian ang lola mo 'pag labas ng sinehan. Makikita mo na lang siya sa TV na nagbibigay ng review/comment sa mga plugging ng pelikula ni Vilma: "Ang galeeeeng ni Ate Vee! Ayos sa olrayt! Number one ka ate veee!I love you Ralph!". See? Catharsis. Pansamantala lang na kaginhawaang nararamdaman sa loob ng sinehan. Impluwensya ng imaheng gumagalaw. Dagling nakakalimutan ang mga naiwang labada, ang mga anak na nasa ICU, ang pagtakbo ni Vilma Santos bilang mayor ng Lipa, habang sa isip ng audience, "sana ako rin katulad ni Ate Vi, homemaker, ulirang ina, inaapi pero sa bandang huli, happy ending at sasayaw kami ng pamilya ko sa beach." Saka lang maaalalang lalaki siya at naghihintay sa kanilang bahay ang kanyang misis at tatlong anak. Pero kahit na, hahanapin pa rin niya ang headquarter ng "Forever Vilma Fans Club International Network" at magsisgn-up siya ng membership form. Ito ay isa pa ring epekto ng mga imahe sa pelikula: ang fans at ang pagkahumaling ng mga ito sa buhay-artista.
May sikat na artista ka na bang kilala na wala pang ginawang pelikula?
***
Nakakalungkot lang kasi isipin na bukod sa ilang magagandang pelikula na naprodyus ng mga Pilipino, marami sa atin ang hindi tumatangkilik sa mga ito. Iilan ang nakakakilala kay Magnifico, Maximo Oliveros, Dorina at Lavina, at Kokey (anak sa labas ni ET kay Madame Auring). Tuloy, napipilitan ang ilang prodyuser na gumawa ng mga pelikulang "pito-pito", o kaya nama'y mga patapong malalaswang pelikula na may masustansiyang pamagat tulad ng Talong, Kangkong, Pinya at iba pa ang nagtubuan noon. Mayroon ding kinopya ang istorya sa mga pelikulang Hollywood blockbuster. Ito marahil ay dulot ng kawalan ng gana ng mga manonood na pasukin ang mga sinehan na nagpapalabas ng mga lokal na pelikula. Kung ano ang demand, tiyak iyon din ang supply. Kung patuloy na tatangkilikin ng mga Pinoy ang mga tambalang X at Y, Y at X at kung anu-ano pang kombinasyon, asahan nating babaha ng ganito-at-ganito pa ring klase at kalidad ng mga pelikula. Saan na pupulutin ang mga matitinong iskrip at magagaling na ideya ng mga direktor? Sa kangkungan ni Erap sigurado lang.
***
Hollywood. Maningning at nakakasilaw ang kinang ng mga bituin. Disney. MGM. Universal. Malaking produksyon. Sikat na artista. Paparazzi.
Ako naman nakakita ng kasiyahan sa panonood ng mga tinuringang Asian Films. Mga gawa ng mga kalapit-bansang Korea, Japan, Thailand at India (Bollywood). The Classics, The Way Home, My Sassy Girl, ilan lang iyan sa mga pelikulang hindi lang may kurot, kundi mas malapit sa puso ng isang tulad kong Pilipino. taga-Asya. Paano'y Asyano rin sila, at kung tutuusin ay may ilang kultura tayong maaaring maihambing sa isa't-isa. May pagkakatulad. Common denominator. Hiyang kumbaga, parang brand ng shampoo. I can feel it.
Promising din sa akin ang mga gawang Europeo. Marami sa kanila ang kinilala na rin ng Hollywood sa husay ng pagkakagawa. Sina Amelie at Malena ang ilan sa mga nabanggit. Maganda rin ang Central Station na mula sa Brazil at My Life in Pink ng Netherlands. Hindi rin matatawaran ang pelikulang Y Tu Mama Tambien (And Your Mother Too) at Amor es Perros (Love is a Bitch) na parehong may mature na tema mula naman sa (kung hindi ako nagkakamali) ay Espanya. (Note: Mahigit 300 taong nanalagi ang mga Espanyol sa Pilipinas, kaya't kung susuriin ang mga pelikula nila, may common denominator din tayo sa mga ito)
Minsan try ninyong iexplore ang labas ng mga Hollywood studios. Refreshing escape from the usual thing we usually...watch.
***
Manonood sigurado ng MI:3 ang pinsan ko mamaya. DVD marathon naman ako dito sa bahay. Sarili ko naman ang magsisitback and relax. Rare chance of a lifetime.
Ganun din sa panonood ko ng pelikula. Gusto ko bigyan ng chance na yumabong ang mga kaisipan at ideya nang mga taong nasa labas ng makinang na pinilakang-tabing ng Hollywood.
Saka wala rin akong pera pangsine.
###
|